Ayon kay NCRPO chief Director General Ricardo de Leon, kailangan na maging handa ang kapulisan sa posibilidad na mayroon nang nakuhang tao ang mga opisyal na kinabibilangan nina Col. Ernie Amboy, Lt. Col. Nelson Eleazar at Lt. Col. Eduardo de Castro, pawang mga nakatalaga sa Armed Reserved Command sa Ternate, Cavite.
Bagamat sinasabing nakakulong na ang tatlo, sinabi ni De Leon na mas makabubuting ialerto ang limang distrito ng kapulisan upang matiyak ang seguridad ng publiko.
Kaugnay nito, inatasan na rin niya ang mga district directors at station commanders na bantayan ang lahat ng mga vital installation katulad ng paliparan, seaports, communication facilities, mga malls at iba pang matataong lugar sa Metro Manila laban sa pinangangambahang destabilisasyon na posibleng isagawa ng iba pang grupo.
Binanggit din ni De Leon na ang kanilang trabaho ay upang ipatupad ang batas at pangalagaan ang karapatan ng bawat mamamayan. (Ulat ni Doris Franche)