Ayon kay BI Commissioner Alipio Fernandez, ang mga umanoy terorista na sina Jamil Daud Mujahid, 56, at kapatid nitong si Michael Ray Stubbs, 55, ay kapwa idineport na patungong Estados Unidos.
Ang dalawa ay sakay ng Japan Airlines flight patungo sa US kung saan sila ay aarestuhin naman ng US marshalls na magdadala sa kanila sa nasabing bansa.
Idineklara ng BI-Board of Commissioners ang dalawa na panganib sa seguridad ng bansa dahil ang mga itoy nadiskubreng nakikipag-ugnayan sa ilang lokal na terorista dito.
Ang dalawa ay nadakip ng mga operatiba ng BI noong December 31, 2003 sa Tanza, Cavite, batay na rin sa ipinalabas na mission order ni Alipio laban sa mga ito.
Lumalabas din sa isinagawang imbestigasyon ng BI na ang dalawang terorista ay nakitang nakikipagpulong sa ilang pinuno ng non-government organization na pinaghihinalaan namang front lamang dahil ang pinuno ng mga ito ay si Mohammad Jamal Khalifa, bayaw ni bin Laden.
Nadiskubre rin na ang Stubbs Brother ay nangongolekta ng pondo sa ilang US-based Muslim groups para sa pagpapagawa ng eskuwelahan na pagdarausan ng pagbibigay ng doktrina sa mga Muslim communities sa Mindanao.
Ang nasabing pondo rin ay ibinibigay umano ng dalawang terorista sa iba pang kasamahan ng mga ito na nakabase sa iba pang bansa, partikular na sa Asia. (Ulat ni Grace dela Cruz)