Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman Sr. Supt. Joel Goltiao, 2,000 puwersa ng pulisya at mga elemento ng AFP ang ipinakalat simula kahapon upang mahigpit na bantayan ang seguridad sa Metro Manila para tiyakin ang mapayapang selebrasyon ng EDSA 1.
Sinabi ni Goltiao na ipakakalat ang mga anti-riot policemen sa bisinidad ng EDSA Shrine sa Mandaluyong City kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga raliyista at mga dadalo sa okasyon.
Inihayag pa ni Goltiao na maliban sa National Capital Region (NCR) ay isinailalim din sa heightened alert ang mga kanugnog na lugar sa Metro Manila na kinabibilangan ng Region 3 at 4.
Kaugnay nito, sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Ricardo de Leon sa panayam ng PNP reporters na ipatutupad nila ang maximum patience sa mga grupong nakatakdang magsagawa ng rally ngayong EDSA 1 anniversary.
Tiniyak ng opisyal na nakalatag na ang lahat ng kanilang inihahandang contingency plan kabilang na ang pagmamantine sa inaasahang malalang daloy ng trapiko.
Pinakiusapan naman ni de Leon ang mga makikilahok sa gagawing pagdiriwang ng EDSA 1 anniversary na huwag masyadong mag-concentrate sa EDSA.
Sinabi ni de Leon na maliban sa EDSA ay maaari ring gunitain ang okasyon sa iba pang lugar sa Manila tulad ng Baseco kung saan may gaganapin din ditong sibikong aktibidad.
Ipinaliwanag pa ni de Leon na pawang mga aktibidad sa pagdarasal ang isasagawa sa EDSA kayat mas makabubuting umiwas sa lugar ang mga grupong magra-rally kung wala rin lamang kaugnayan sa pananalangin ang kanilang gagawin.