2 dayuhan, 1 Pinay arestado sa human smuggling

Isang malaking internasyonal na sindikato ng human smuggling ang hinihinalang nabuwag matapos na isang Turkish, Canadian at Pilipina na responsable sa iligal na pagpapasok ng 26 Pilipino sa Turkey, ang nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Nakilala ang mga nadakip na sina Henry Pietrzak, Canadian; Hassan Ceyhun Samur, Turkish; at Jane del Rosario, Pinay, pawang konektado sa Multi-Int’l. Link Management and Consultancy Inc. (MILMCI) na may opisina sa Rm. 120 YIC Bldg., 1007 UN Avenue, Manila.

Patuloy namang pinaghahanap ang dalawa nilang kasamahang sina Ahemt Coskun, Turksh at Connie Tan, ng #1 Abner St., Gloria Heights, San Jose, Antipolo City.

Nasakote ang mga suspect matapos lumapit sa NBI ang limang nabiktima na sina Maureen Combo, Jasmin Cabebe, Jenielyn Quitola, Rachiell Funchica, at Sheila Marie Valenzuela.

Sa ulat ng NBI Anti-Fraud and Computer Crimes Division (AFCCD), nasakote ang 3 suspect dakong alas-10:30 kamakalawa ng umaga sa loob ng opisina ng MILMCI.

Naabutan pa ng mga ahente ang may 30 kababaihan na aktwal na nagsasayaw at rumarampa bilang mga modelo sa loob ng naturang opisina.

Ayon sa mga nagreklamo, ni-recruit umano silang 26 na babae noong nakaraang Dis. 2003 at pinangakuan na magiging entertainers sa Turkey na may suweldong US$500 kada buwan.

Nang makarating sa Turkey, guest relations officer (GRO) umano ang kanilang kinalabasan sa club at ikinukulong matapos ang trabaho. Humingi naman ng tulong ang 6 sa mga ito sa kanilang mga kaanak na siyang gumawa ng paraan para makabalik ang mga ito sa Pilipinas. Nabatid din na hindi nakarehistro sa POEA ang travel agency ng mga suspect na nahaharap sa mga kasong illegal recruitment at paglabag sa Anti-Human Trafficking Law sa Manila Prosecutor’s Office. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments