Parlor ng beauty queen,nasunog

Tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng mga ari-arian ang natupok makaraang masunog ang parlor ng isang dating beauty queen na si Sarah Jane Paez kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Batay sa ulat ng Central Fire Department, naganap ang sunog dakong ala-1 ng madaling araw sa ibabang bahagi ng Life Style Spa and Massage Parlor sa 11-D Malamig St. Kalayaan Ave. UP Village, ng nabanggit na lungsod.

Mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay ang lahat ng kasangkapan ng nasabing establisimyento.

Bagama’t walang naiulat na nasawi o nasaktan sa sunog, umaabot naman sa ikalawang alarma ang sunog.

Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng sunog. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments