Nahaharap sa kasong physical injuries ang mga MMDA personnel na nakilalang sina Jessie Pablico, 23, at Reynaldo Abinoja, 19.
Samantala, nilalapatan naman ng lunas sa Parañaque Community Hospital ang biktima na sina Rodolfo Moracia Sr., 66; mga anak nitong sina Alfredo, 33; Rodolfo Jr. 31 at Angelito, 27, pawang naninirahan sa Dimasalang Extension, Baclaran, Parañaque City.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:50 ng umaga sa Barangay Baclaran ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na kasalukuyang nagtitinda ang mag-aama ng magsagawa ng clearing operation ang grupo ng mga suspect.
Pilit na pinaaalis ang mga biktima dahil sa nakakasagabal sa daan, ngunit nagmatigas ang mga ito kung kayat pinaghahataw ng yantok ang mga biktima dahilan upang magtamo ang mga ito ng mga bukol, sugat at pasa sa ibat ibang bahagi ng katawan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)