2 niratrat sa bilyaran

Dalawang lalaki ang iniulat na napaslang nang barilin ng empleyado sa isang billiard bar makaraang magkaroon ng pagtatalo sa kanilang bill, kahapon ng madaling-araw sa lungsod ng Maynila.

Namatay noon din sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang biktimang si Napoleon Felices, 52, may-ari ng isang vulcanizing shop at residente ng Tondo, Maynila. Habang hindi naman umabot ng buhay sa Mary Johnston Hospital dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ang isa pang biktimang si Hernani Sanchez, 54.

Mabilis namang tumakas ang suspect na nakilala lamang sa alyas na Freddie.

Sa ulat ng WPD-Homicide Division, naganap ang krimen dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa loob ng John Lyn’s Billird Hall and Bar sa may Moriones St., Tondo, Maynila.

Nabatid na nag-iinuman ang dalawang biktima kasama pa ang isang kaibigan sa naturang lugar nang lapitan ng suspect na cashier sa bilyaran at sabihan ang mga ito na magsasara na sila.

Kasabay nito, ibinigay ng suspect ang bill ng tatlo ngunit nagkulang umano ang pera ng mga biktima kaya umalis muna ang kasamahan nina Felices at Sanchez para kumuha ng pera.

Samantala, patuloy namang nakipagtalo ang suspect sa dalawang naiwan na bayaran na agad ang kanilang bill dahil sa lagpas na sila sa oras at closing time na.

Napikon ang dalawang biktima na nakipagsagutan na rin sa suspect hanggang sa maghamunan ng away. Mabilis namang kumuha ng baril ang suspect at pinaputukan ang dalawang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments