Bangko nilooban ng 3 armado

Tatlong armadong kalalakihan ang nanloob sa isang bangko at nakatangay ng tinatayang umaabot sa P75,000 at iba pang mahahalagang bagay sa loob lamang ng limang minuto, kahapon bago mag-tanghali sa Pasig City.

Ayon sa pulisya, isa sa mga suspect ay nakasuot ng Barong at nagpanggap na kostumer nang pumasok sa Bank of San Mateo, nasa kahabaan ng Ortigas Ext., Pasig City, dakong alas-11 ng umaga.

Nang pumasok ang dalawa pa nitong kasama ay agad naglabas ng matataas na kalibre ng baril at nagpahayag ng holdap. Mabilis na dinisarmahan ng baril ang security guard ng isa sa mga suspect habang pinadapa naman ng dalawa pa ang anim na empleyado ng naturang bangko.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya para malaman kung anong grupo ang nanloob para sa madaliang pagkakaaresto dito. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments