Pulis patay sa caretaker

Siyam na tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang pulis makaraang pagbabarilin ito ng caretaker ng alagaan ng manok kamakalawa ng hapon sa Marikina City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si PO1 Romeo Abenir, 34, nakatalaga sa PCP 11 Brgy. J. dela Peña at residente ng #1 Cruz St., Brgy. Parang ng lungsod na ito. Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilala lamang sa alyas na Andog, caretaker ng isang farm.

Sa ulat ni PO2 Felixberto Aguila, naganap ang insidente dakong alas-3:10 ng hapon sa Astig Farm na matatagpuan sa Cortez Compound Tanguile St., Brgy. Parang ng lungsod na ito.

Nagpunta ang biktima sa nasabing farm at pinagalitan umano ang suspect dahil sa napagtatalo ang mga manok niyang inaalagaan. Hindi umano nagustuhan ng suspect ang pinagsasabi sa kanya ng biktima kaya nagdilim ang paningin nito sabay kuha ng kanyang 9mm kalibre ng baril at pinagbabaril ang pulis.

Matapos ang insidente ay agad namang tumakas ang suspect dala ang baril na ginamit. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments