1 pulis utas, 1 pa at 2 assets sugatan sa shootout

Namatay ang isang pulis Quezon City samantalang isang pulis na nakabarilan nito at dalawang police assets ang nasa malubhang kalagayan kaugnay ng isinagawang pagsalakay sa umano’y hide out ng mga suspect sa armored van robbery noong Miyerkules sa SM Fairview sa Quezon City.

Tatlong tama ng shotgun ang agad na tumapos sa buhay ni PO3 Louie Husmalaga, active member ng Station Anti-Illegal Drugs ng Anonas Station ng CPD habang ginagamot naman sa St. Luke’s Hospital sina SPO4 Celso Jerezano ng Central Police District-District Police Intelligence Unit at dalawa pang asset.

Kasalukuyan namang nakapiit sa DPIU detention cell ang mga nadakip na suspect na sina Richard Matutino at Sonnyboy Lukman. Ang dalawa ay kumpirmadong mga suspect sa panghoholdap sa armored van sa SM Fairview habang inaalam pa ng pulisya ang partisipasyon ni Husmalaga.

Ayon kay Chief Insp. Rodolfo Jaraza, hepe ng CPD-DPIU sinalakay nila ang bahay ni Husmalaga sa West Riverside sa Commonwealth matapos na makatanggap ng impormasyon na nasa bahay nito nagtatago ang mga suspect na humoldap sa BPI collection teller na si Ernie Reyes sa harap ng SM Fairview.

Hindi pa man nakakalapit ang mga awtoridad ay agad silang pinaulanan ng bala ng mga suspect hanggang sa magkapalitan ng putok.

Nabatid na may lima pang suspect ang nakatakas na sinasabing pawang mga miyembro ng Kuratong Baleleng Gang at Waray-Waray Group.

Ayon naman kay CPD director Chief Supt. Napoleon Castro, lumilitaw na pitong sasakyan ang ginamit ng mga suspect na umaabot sa 30 katao na nakakalat sa nasabing establisyimento gamit ang M-14, M-16, caliber .45 at .38 na baril. (Ulat ni Doris M. Franche)

Show comments