Maybahay ni Malonzo pinitisyon sa Comelec

Matapos na sampahan kamakailan ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) si Caloocan City Mayor Rey Malonzo para sa diskwalipikasyon ng kanyang kandidatura bilang kongresista ng 1st District ng nasabing lungsod, ang maybahay naman nito ngayon na tumatakbong mayor ng Caloocan City na si Gwendolyn "Gigi" Emnace-Malonzo ang target ng petisyon ng ilang mga residente dito.

Batay sa nilalaman ng walong pahinang petisyon na isinumite sa Comelec nina Cecelia Estrada, Alma Tomas, Florita Abecilla, Roberto Estrada at Leonora Aquino na pawang mga residente ng Camarin, Caloocan City, hindi umano nararapat na payagan si Gigi na tumakbo bilang alkalde ng nasabing lungsod dahil sa sinamantala umano nito ang kanyang pagiging chairman ng Caloocan Tourism and Cultural Development Council upang maagang maka-pangampanya sa hinahangad nitong pwesto.

Hiniling din ng mga patetioners sa Comelec na bigyang pansin ng nasabing tanggapan ang umano’y hayagan at maagang pangangampanya ni Gigi sa pamamagitan ng paglalagay nito ng kanyang naglalakihang posters at billboards sa mga pangunahing lansangan at establisyemento ng Caloocan City.

Ayon naman kay Atty. Melanio Cordillo Jr., abogado ng mga petitioners na malinaw na lumabag umano si Gigi sa Section 79 at 80 na may kaugnayan sa Section 68 ng Omnibus Election Code o sa Comelec Resolution #68 at Republic Act #9006.

Ipinaliwanag pa ni Atty. Cordillo na ang maaga at lantarang pangangampanya umano ni Gigi ay isang malinaw na kaso ng "electioneering" kaya’t nararapat umanong i-disqualify ng Comelec ang kandidatura nito bilang alkalde ng Caloocan City. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments