Habambuhay hatol sa 2 Chinese drug dealer

Dalawang babaeng Chinese na big-time drug dealer ang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Manila Regional Trial Court (RTC) dahil sa pagbebenta ng 14 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P12 milyon sa Tondo, Maynila, tatlong taon na ang nakakaraan.

Base sa apat-na-pahinang desisyon ni RTC Branch 23 Judge Sesinondo Villon, hinatulan nito sina Sendy Lee Tan, alyas Sendy o Vivi at Cai Rong Rong, alyas Chua Rong Rong, ng habambuhay na pagkabilanggo.

Ayon kay Judge Villon, si Cai Rong Rong ay nakatakas mula sa Manila City Jail noong Marso 19, 2002 at hanggang sa kasalukuyan ay pinaghahanap pa, pinagbabayad din ng korte ang dalawa ng halagang P1,000,000.

Lumalabas sa rekord ng korte na naganap ang buy-bust operation matapos na isang asset ng pulisya ang nagbigay ng impormasyon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Hunyo 20, 2000 tungkol sa operasyon ni Yang Lee Kim sa Binondo kung saan isa itong malaking sindikato na bilihan ng shabu mula sa Bulacan.

Kaagad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at nagsilbing poseur-buyer si PO2 Christian Arambulo at bumili ng 14 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P12 milyon.

Napag-alaman na sinabihan ni Kim sina Arambulo na babayaran ang 14 kilo ng shabu sa pamamagitan ng pagdideposito ng pera sa account ni Cai Rong Rong sa Metro Bank, Masangkay, Tondo branch at maaari lamang i-deliver ang droga kapag pumasok na ang pera sa naturang banko.

Nagdeposito naman ang mga awtoridad ng P12 milyon sa account ni Rong Rong noong Hunyo 22, 2000 subalit nakipag-coordinate na ang mga ito sa branch manager ng banko.

Bunsod nito kung kaya’t kaagad na tinawagan ni Kim ang impormante at sinabiang ide-deliver ang droga kinabukasan sa pagitan ng alas-9 at alas-11 ng umaga sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue malapit sa Masangkay, Tondo.

Habang nakaposisyon naman ang mga awtoridad ay napansin ng mga ito na ilang beses na pabalik-balik ang isang Toyota Lite Ace na pag-aari ni Kim hanggang sa eksaktong alas-9:45 ng umaga, dalawang babaeng Chinese ang bumaba habang hila-hila ang isang pula at asul na travelling bag at tinanong si PO2 Arambulo kung siya si Ed na kanilang hinahanap. Matapos mahawakan ng mga awtoridad ang bag na naglalaman ng shabu ay kaagad na inaresto ang dalawa.

Bilang depensa, sinabi naman ng akusado na hindi nila alam ang naturang bagay at napag-utusan lamang sila subalit napatunayan ni Villon na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng dalawa. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments