Dalaga ginilitan ni kuya

Kritikal sa pagamutan ang isang 18-anyos na dalaga makaraang gilitan ng kanyang kuya na umano’y bangag sa droga habang natutulog ang una sa kanyang silid, kamakalawa ng hapon sa Malabon City.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng malaking hiwa sa leeg ang biktimang si Jacquelyn Torres, estudyante at residente ng #45 Gov. Pascual St., ng nabanggit na lungsod.

Halos lango pa umano sa droga habang nakakulong ang nakakatanda nitong kapatid na si Joseph Torres, 24.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng silid ng biktima.

Nabatid na umuwi ng kanilang bahay ang suspect na bangag sa droga at nadatnan ang nakababatang kapatid na mahimbing na natutulog kung saan mabilis na nagpunta sa kanilang kusina ang una at kumuha ng kutsilyo.

Dito, dali-daling nilapitan ng suspect ang kanyang kapatid at ginilitan. Nasugatan na ng suspect ang utol nang biglang dumating ang kanilang ama na humingi ng tulong sa kanilang kapitbahay.

Nadakip ang suspect at mabilis namang naisugod sa pagamutan ang biktima kung saan nasa malubha pa itong kalagayan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments