Upang mailigtas sa bitay ang pamangking si Lara, inako ng tiyo nitong si Pedrito Mabansag ang kasalanan nito.
Tahasang sinabi ni Mabansag na siya ang kidnaper at walang alam sa naturang kaso ang kanyang pamangkin. Kasunod nito isinigaw pa nito ang isang Rudy na umanoy siyang utak sa naganap na kidnapping.
Ibinunyag pa nito, na napilitan lamang aminin ng kanyang pamangkin na si Lara ang pagkakasangkot sa kaso dahil sa pinahirapan siya ng mga humuli ditong pulis noong 1998.
Si Mabansag ay nadakip naman ng grupo ng Mobile Group sa Bacolod kamakalawa.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Bureau of Corrections director Dionisio Santiago na itutuloy pa rin ang pagbitay kay Lara ngayong darating na Enero 30.
Ipinaliwanag pa nito na ang panibagong pagbubunyag ni Mabansag ay sasailalim pa sa mahabang proseso at hindi pa rin nakakatiyak na ito ay mapagbibigyan ng korte na muling malitis.
Kahapon ay nagsagawa na ng dry run ang New Bilibid Prison sa lethal injection chamber, bilang bahagi ng paghahanda nito sa darating na Enero 30. (Ulat ni Lordeth Bonilla)