Inaasahang sa huling linggo ng Enero ay may masasalang sa bitayan at nakahanda na rin ang Bureau of Corrections sa lahat ng ito.
Sa panayam kahapon sa bagong talagang New Bilibid Prison (NBP) Superintendent Venancio Tesoro, sinabi nito na bagamat nakahanda na sila ay hinihintay pa nila ang written order buhat sa Pangulo.
Nilinaw nito na isang rapist ang unang masasalang kung saan hindi nito pinangalanan dahil hindi pa aniya nakakarating sa kanyang tanggapan ang listahan ng mga death convict na naka-schedule para sa lethal injection.
Sa darating na Pebrero, sinabi nito na kidnapper naman ang naka-schedule sa bitayan, magkakaroon lamang aniya ng pagbabago depende sa magiging kautusan ng Supreme Court.
Nabatid pa kay Tesoro sa darating na linggo ay magkakakaroon ng dry run ang NBP bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa muling pagbabalik ng bitay sa bansa.
Kung saan ipapatupad nila ang tripleng seguridad dahil inaasahang magkakaroon ng mga rally na magmumula sa grupong tumututol sa bitay at grupong pumapabor naman.
Ayon pa kay Tesoro ang lahat ng kanilang magiging hakbangin ay laging magmumula sa kautusan ng Department Of Justice (DOJ) kung saan aniya taga-sunod lamang sila.
Magugunitang noong Disyembre ay ni-lift ng Pangulo ang moratorium sa death penalty matapos ang sunod-sunod na insidente ng kidnapping at holdapan na nagaganap.
Inihain ng Pangulo ang muling pagbabalik ng bitay at nais niyang mauna dito ay ang kidnapper at ang mga taong sangkot sa ipinagbabawal na droga.(Ulat ni Lordeth Bonilla)