Ginang nagtampo sa mister, nagbigti

Nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti ang isang 27-anyos na misis dahilan sa sobrang sama ng loob sa kanyang mister kahapon ng umaga sa San Andres, Maynila.

Nakatali pa ng lubid sa leeg habang nakabitin sa kisame ng kanilang bahay nang matagpuan ang bangkay ni Rosalie Barroga ng Alabastro St. ng nabanggit na lungsod.

Sa ulat ng WPD, dakong alas-10 noong Miyerkules ng gabi huling nakitang buhay ang nasawi habang nakikipagtalo sa kanyang mister na si Roy.

Kahapon lamang ng alas-6 ng umaga nang magising si Roy at nakitang wala sa tabi niya ang asawa kung kaya’t hinanap niya ito hanggang sa makita na nakabigti sa sala ng kanilang bahay.

Sa kabila nito patuloy pa ring nagsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang pulisya kung may naganap na foul play sa nasabing insidente. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments