P2.8-M ephedrine nasamsam: Dalagang drug trafficker timbog

Bumagsak sa mga operatiba ng PNP-Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Force (PNP-AID-SOFT) ang isang pinaghihinalaang big-time drug trafficker kasabay ng pagkakasamsam sa P2.8 milyon ng ephedrine sa isinagawang buy-bust operations sa Ermita, Manila.

Nakilala ang suspect na si Jane Yllasin, alyas Jen, 19, dalaga, naninirahan sa Blk. 236, Lot 13 Sampaguita St., Brgy. Rizal, Makati City.

Nabatid na si Yllasin ay nadakip ng mga elemento ng 3rd Special Operations Unit, Special Group, AID-SOFT Force, sa isinagawang operasyon sa United Nations Avenue sa panulukan ng San Carlos St., Ermita, Manila dakong alas-9 ng gabi kamakalawa.

Hindi na nakapalag ang suspect matapos mahuli sa akto ng mga awtoridad.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspect. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments