Tuluyan nang bumigay kahapon ang driver na si Hilario Responso, 29, na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at likod buhat sa mga kidnappers ni Gellina Crystel Dy, grade 5 pupil sa St. Peter the Apostle School.
Patuloy pa ring sumasailalim sa masusing obserbasyon ang yaya ng bata na si Maricel De Dios na nagtamo rin ng tama sa likuran.
Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya sa takbo ng kasong pagdukot kay Gellina dahil na rin sa pagtanggi ng pamilya nito na makipagtulungan sa mga awtoridad sa takot na may mangyaring masama sa biktima.
Matatandaan na hinarang ng mga armadong suspect ang kotseng maghahatid kay Gellina sa nabanggit na paaralan noong nakaraang Biyernes.
Agad na pinagbabaril ng mga suspect ang walang kalaban-labang driver at yaya ng bata at saka sapilitang dinala ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)