Ayon kay Supt. Agustin Cabales ng CPD Station 8 chief, dakong alas-4:45 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente sa gate ng isang subdivision sa nabanggit na lungsod.
Nakilala naman ang sinampal na sekyu na si Alfredo Bactol, na nakadestino sa gate ng White Plains subdivision sa Quezon City.
Ayon sa sumbong ng biktima, dumating umano sa gate ng Pinesville si Alvarez na lasing at mainit ang ulo kasama ang asawa nitong si Almira Muhlach lulan ng kanilang sasakyang Starex van at nagsabing pupunta sila sa bahay ng mag-asawang Carmina Villaruel at Zoren Legaspi na kanilang bibisitahin.
Sinabi pa ng sekyu na bilang pagsunod sa ipinatutupad na regulasyon sa naturang subdibisyon ay hiningi niya ang lisensiya ng basketbolista.
Tumanggi umano ang tinaguriang Mr. Excitement ng PBA na ibigay ang kanyang lisensiya o anumang ID sa gate bagkus ay nagpakilala itong siya si Alvarez. Hindi pa umano ito nakuntento at pinagmumura pa siya kasunod ng isang malakas na pagsampal sa kanya.
Nakaagaw pansin ang komosyon kay SPO1 Eddie Nacis ng CPD Station 8 kung kaya agad nitong inalam ang nangyayari sa gate. Subalit siya naman ang pinagbalingan ni Alvarez at hinamon pa ng barilan ang pulis.
Dahil dito, hindi na nakapasok pa sa subdibisyon ang mag-asawa bagkus ay umalis na agad sa naturang lugar matapos na mag-warning shot ang nabanggit na pulis.
Magugunitang kamakailan lamang ay nalagay sa alanganin ang basketbolista makaraang masangkot sa sex scandal sa Makati City.
Samantala, hiniling naman ni Bacolod Rep. Monico Puentevella na kanselahin ni PBA Commissioner Noli Eala ang lisensiya ni Alvarez bilang manlalaro.
Ayon kay Puentevella, chairman ng House Committee on youth and sports na bagaman at hindi na aktibong manlalaro ng PBA si Alvarez, nananatili pa rin itong isang lisensiyadong manlalaro at maaari pa ring kunin ng ibang koponan ang kanyang serbisyo.
Naniniwala ang solon na hindi magandang halimbawa para sa mga kabataan ang ginawa ni Alvarez at hindi rin akma para sa dating PBA player ang maging basagulero. (Ulat nina Angie dela Cruz at Malou Rongalerios)