Anak umawat sa away ng magulang,sinaksak ng tatay

Isang 37-anyos na lalaki ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong saksakin ng kanyang tatay makaraang umawat ang una sa away ng kanyang mga magulang, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Ginagamot ngayon sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang dibdib ang biktimang nakilalang si Luis Restano, binata ng Jocson St., Purok 1 Barangay Malanday ng nabanggit na lungsod, samantalang kaagad namang nadakip ang suspect na ama na nakilalang si Sozimo Restano, 63, ex-convict.

Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:45 ng gabi sa loob ng bahay ng mag-anak.

Nabatid na nag-away ang suspect at asawa nitong si Zeperina, 53, na inawat naman ng biktima. Nagalit ang suspect sa pakikialam ng anak na humantong sa mainitang pagtatalo. Sa kalagitnaan ng pagtatalo ay kumuha ng patalim sa kusina ang suspect at saka itinarak sa dibdib ng anak.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima habang nadakip naman agad ang suspect. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments