Paslit uminom ng feminine wash

Agad na nasawi ang isang 11-anyos na Grade 4 pupil makaraang uminom ito ng ‘feminine wash’ at malason, kamakalawa ng gabi sa Maynila.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa St. Claire Hospital ang biktimang si Vincent Roces, ng #1108 Pedro Gil St., Malate ng nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, nadiskubre ang pagkasawi ng biktima dakong alas-8 ng gabi sa loob ng banyo ng kanilang bahay habang ang mga kasambahay nito ay nasa kasarapan ng panonood ng telebisyon.

Nabatid na bago nangyari ang insidente ay unang nagkaroon ng pag-aaway sa pagitan ng biktima at ng kanyang nakakatandang kapatid na si Caroline kung saan ay napagalitan ang una ng kanilang ina na labis nitong idinamdam na hinihinalang naging dahilan upang uminom ito ng ‘feminine wash’ upang malason ito at masawi. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments