Kinilala ang biktima na si Luisa de Guzman, grade-3 pupil, ng #102 F. Natividad St., nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang nakakulong ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police at nahaharap sa kasong serious illegal detention ang suspect na si Michael Citco, ng #27 Lanzones St., Potrero, Malabon City.
Sa inisyal na interogasyong isinagawa ni PO2 Michael Viray, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente dakong alas-6:45 ng gabi sa tapat mismo ng tahanan ng biktima kung saan habang naglalaro umano ito kasama ang ilang mga kaibigan ay bigla na lamang hinablot ng suspect at sinakal habang hawak ang nasabing granada na wala nang safety pin.
Nabatid na unang nagkaroon ng pag-aaway sa pagitan ng suspect at asawa nitong si Julie, 38, kung saan ay naburyong umano ang suspect sa pagtatalak ng asawa dahil sa pagiging lulong nito sa ipinagbabawal na droga.
Sa isinagawang panayam sa suspect, inamin nito na kumuha siya ng granada upang takutin ang asawa at matigil na ito sa pagtatalak sa kanya subalit may mga kapitbahay umanong tumawag sa pulisya sa nasabing insidente.
Nang matunugan nito ang paparating na pulis ay tumakas ito bitbit ang nasabing granada subalit nasundan pa rin ito kung kayat napilitan umano siyang i-hostage ang paslit dito at inalisan ng safety pin ang nasabing granada.
Nagawa pang kaladkarin ng suspect ang paslit at isakay sa isang pampasaherong jeep patungong Monumento sa Caloocan subalit naging maagap ang mga nagrespondeng pulis mula sa Malabon at Caloocan kung saan isa sa mga ito na nakasakay sa motorsiklo ang nagawang agawin ang nasabing granada na nakahanda na sanang sumabog.
Agad na binalot ng mga pulis ang nasabing granada at nilagyan ng pamasak upang hindi na sumabog pa kasabay ng pagkakaligtas sa biktima at pagkaaresto naman sa suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)