Death anniversary ni Nida Blanca

Isang misa ang idaraos ngayon sa puntod ng beteranang aktres na si Nida Blanca sa Marikina City bilang paggunita sa ikalawang anibersaryo ng pagpaslang sa kanya. Sa kabila ng kawalang-hustisya ay naniniwala pa rin ang anak ng aktres na si Kaye Torres, na kahapon ay dumating na sa bansa, na makakamtan ang hustisya para sa kanyang ina.

Ang misa ay gaganapin dakong alas-9 ng umaga ngayon sa Loyola Memorial Cemetery sa Brgy. Barangka, Marikina.

Samantala, nagtalaga naman ng ilang pulis si Marikina police chief Supt. Felipe Rojas sa nabanggit na sementeryo upang tiyakin ang kapayapaan sa lugar.

Habang lalong tumatagal ay lubha umanong bumibigat ang kalooban ni Torres dahil sa kawalang-hustisya sa pagkamatay ni Blanca, Dorothy Jones sa tunay na buhay, na natagpuang patay sa likurang upuan ng kanyang kulay berdeng Nissan Sentra sa elevated parking ng Atlanta Tower sa Greenhills, San Juan, Metro Manila.

Nakakulong naman ngayon sa Estados Unidos ang asawa ni Blanca na si Roger Lawrence Strunk, ang primary suspect sa pamamaslang at hinihintay na lamang ang desisyon ng US Court kung papayagan itong maiuwi sa bansa. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments