Ang mga namatay ay nakilalang sina Ryan, 9; Salvacion, 61 at Reynaldo Destura, 54, driver ng jeep; Ernesto, 38 at Ignacia Ricamara, 48; Romulo Tacatani, Elizabeth Galang, 42; Francis Tugade, 25 at Veronica Guiab, 47, samantalang ginagamot naman sa Victor Ponciano Medical Center ang mga sugatan na sina Divine Guiab, 14; kapatid nitong si Daniel, 7; Clarence Destura, 5; Ronald Falleria, 38 at Reggie Abella, 23, na pawang mga residente ng Muntinlupa City.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO1 Gaudencio Riambon ng Mandaluyong City Police na naganap ang aksidente dakong alas 8:05 ng gabi sa panulukan ng EDSA at Pinatubo St. Boni Ave. Mandaluyong City.
Nabatid na papauwi na ang mga biktima sakay ng pampasaherong jeep na may plakang PYZ-197 na minamaneho ng biktimang si Reynaldo mula sa isang religious meeting sa Cubao, Quezon City.
Binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng EDSA nang biglang mawalan ng preno ang jeep at bumangga sa mga yero na nagtatakip sa malalim na hukay ng ginagawang condominiun ng Globe Asiatic Tower. Tuluy-tuloy ang jeep na agad na ikinasawi ng mga biktima.
Tumagal naman ng limang oras ang ginawang rescue operation ng pinagsanib na puwersa ng MMDA at Mandaluyong police habang pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung may pananagutan ang construction firm ng condominium sa naganap na aksidente. (Ulat ni Edwin Balasa)