Napagkamalang holdaper,binaril ng pulis

Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang construction worker matapos na mapagkamalang holdaper at barilin ng isang pulis kahapon ng umaga sa Quezon City.

Kasalukuyang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center ang biktima na nakilalang si Bobby Silva, 45, ng 114 F. Manalo St. Brgy. Immaculate Concepcion, ng nasabi ring lungsod.

Batay sa report ng Central Police District-Kamuning Station, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga sa tapat mismo ng bahay ng biktima.

Nakikipag-usap si Silva sa kanyang mga kaibigan nang mapadaan ang isang pampasaherong jeep na noo’y hinoholdap ng hindi pa nakikilalang mga suspect.

Nabatid na isang nurse ang biktima ng mga suspect sa pampasaherong jeep at humihingi ng saklolo na agad namang nakatawag ng pansin ni Silva.

Lumilitaw na tumulong si Silva sa pagdakip sa mga suspect hanggang sa magkaroon ng habulan.

Dahil dito, napagkamalan ng hindi nagpakilalang pulis si Silva at binaril sa katawan. Agad namang humingi ng dispensa ang pulis kay Silva kapalit ng hindi nito pagsasampa ng kaso.

Nagkasundo naman ang biktima at pulis na sasagutin ng huli ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng una. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments