Partikular na ipapakalat sa labas at loob ng mga sementeryo ang mga itatalagang pulis para mangasiwa sa kapayapaan at seguridad sa selebrasyon ng Undas sa darating na Sabado at Linggo.
Itataas rin sa red alert status ang buong pwersa ng pulisya sa buong bansa laban sa pag-atake ng mga kriminal, mga rebelding grupo at maging ng mga terorista na maaaring magsamantala sa okasyon.
Magsisimula ang red alert ngayong Biyernes hanggang sa Linggo sa panahong abala ang mga mamamayan na magsisiuwian sa kani-kanilang mga probinsya.
Nakatakda ring ikalat ang kapulisan sa mga pampublikong terminal ng bus, mga daungan at mga paliparan para alalayan ang publiko na magtutungo sa mga probinsya.
Magtatalaga rin ng mga opisyal ng PNP para manguna sa pangangasiwa at pagbabantay sa seguridad ng publiko sa mga sementeryo.
Magtatayo rin umano ng sariling public assistance booth ang PNP sa lahat ng mga sementeryo para masigurong magiging maayos at mapayapa ang paggunita ng Undas sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)