Tinuksong maliit ang ari, pumatay

Pinagsasaksak hanggang sa tuluyang mapatay ng isang buko vendor ang isa niyang kainuman matapos na laitin ng huli ang kanyang pagkalalaki nang tuksuhin siya nito na maliit ang ‘kargada’ kaya hindi makapag-asawa, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang nakilalang si Ruben Sanchez, 20, ng Antipolo St., Sta, Cruz, Maynila.

Nakatakas naman ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Ernesto, isang buko vendor.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa nabanggit na lugar kung saan nag-iinuman ang biktima at ang suspect kasama ang ilan pang kapitbahay.

Sa gitna ng inuman, nagsimula na umanong magtuksuhan hanggang sa asarin ni Sanchez ang suspect tungkol sa hindi nito pagkakaroon ng asawa, hanggang maging ang laki ng pagkalalaki nito ay ininsulto din ng una.

Hindi na nakapagpigil pa ang suspect hanggang sa binunot nito ang dalang balisong at saka mabilis na itinarak sa dibdib ng biktima.

Nagawa pa ng biktima na makalayo subalit hinabol siya ng suspect at muling inundayan ng sunud-sunod pang saksak sa katawan.

Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang insidente. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments