Pagbibitiw ni Judge Yadao,ipupursige ng prosekusyon

Nagbanta ang Department of Justice (DOJ) na ipupursige nila ang pagbibitiw ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Ma. Theresa Yadao sa paghawak ng Kuratong Baleleng rubout case ni Senador Panfilo Lacson.

Ayon kay Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, isusulong ng prosekusyon ang pagpapa-inhibit kay Judge Yadao dahil sa pagtanggi nitong dinggin ang kanilang mosyon na mapunta sa Family Court ang kaso.

Sinabi ni Zuño na posibleng mawalan ng hustisya ang kanilang kaso kung magpapatuloy si Yadao sa pagtangan sa kaso.

Matatandaan na nag-walkout noong Biyernes si Judge Yadao makaraang mainis umano ito sa prosecution dahil sa pangungulit na ipag-utos ng hukom ang pagsasagawa ng panibagong raffle upang tuluyang maalis sa kanyang sala ang kaso.

Batay sa ulat, nababahala ang DOJ na hindi umano magiging parehas ang pagtangan ni Yadao sa naturang kaso dahil ito ay itinalaga ni dating Pangulong Joseph Estrada bilang hukom ng Quezon City mula sa dati nitong puwesto bilang RTC Judge ng Madella, Quirino.

Sinabi ni Zuño na nangangamba sila na nananatili umano kay Yadao ang utang na loob kay dating Pangulong Joseph Estrada kaya’t posibleng tuluyang ma-absuwelto si Lacson at ang mga kasamahan nito sa kasong multiple murder sa 11-miyembro ng Kuratong Balaleng syndicate.

Nais ng DOJ na mapunta sa Family Court ang naturang kaso mula sa dating Special Court na kinabibilangan ni Yadao dahil dalawa sa mga biktima ay pawang mga menor-de-edad.

Iginiit ni Zuño na mayroong eksklusibong kapangyarihan ang Family Court na hawakan ang kaso kung ang biktima o ang akusado ay isang menor-de-edad o hindi aabot sa 18-anyos. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments