Ayon kay Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, malalagay sa balag ng alanganin si Yadao kung hindi nito susundin ang tamang procedure sa pagpapalabas ng arrest warrant.
Aniya, titiyakin nilang magpapalabas ng arrest warrant si Yadao laban kay Lacson ngayon Lunes o sa loob ng linggong ito dahil mapipilitan naman silang magsampa ng motion for reconsideration kung walang gagawing aksiyon ang nasabing huwes.
Ipinaliwanag ni Zuño na wala namang dahilan si Yadao upang hindi magpalabas ng warrant of arrest laban kay Lacson dahil ilang araw na ang nakalilipas simula ng katigan ng Korte Suprema ang kahilingan ng prosecution na muling buhayin ang Kuratong Baleleng rubout case.
Samantala, sinabi naman ni dating Justice Secretary Artemio Toquero na isa ring Erap appointee na hindi naman maaaring i-pressure si Yadao sa pagpapalabas nito ng warrant of arrest dahil ito ay nasa diskresyon na ng huwes. (Ulat ni Grace dela Cruz)