Bakla arestado sa pagnanakaw ng abuloy

Arestado ang isang 28- anyos na bakla matapos na nakawin nito ang abuloy sa patay sa isang lamayan kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang suspect na nakilalang si Ariel Villa, ng #218 F. Manalo St. Brgy. Sto Tomas ng nabanggit ding lungsod.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Maria Clara St. Brgy. Sta. Cruz kung saan pinaglalamayan ang isang binatilyo.

Inakala ng ina ng namatay na si Alicia Santos na kaibigan ng kanyang anak ang suspect nang lumapit ito sa kabaong.

Subalit laking gulat na lamang ni Santos nang biglang itakbo ng suspect ang lalagyan ng abuloy. Agad naman itong nasakote ng mga residente at iba pang nakikiramay.

Ayon sa suspect napilitan lamang siyang nakawin ang abuloy dahil kailangan niyang ibili ng regalo sa kanilang anibersaryo ang kanyang kasintahan. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments