Ang nasabing biktima ay kinilalang si Romeo Romero, habang hindi naman makaugaga sa sakit ng katawan ang kasamahan nito na nakilalang si Ruben Legaspi, 61, pawang mga kawani ng CCED.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng umaga nang simulan ng mga tauhan ng CCED ang paggiba sa isang apat-na-pintong apartment na pag-aari umano ng pamilya Amado Nuqui at matatagpuan sa 10th Avenue, harap ng Maxs Restaurant.
Ayon kay Engr. Arturo Samonte, CCED chief, ang paggiba sa naturang apartment ay batay sa ipinalabas na court order ni Judge Adoracion Angeles ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 121 matapos na magsampa ng reklamo si Gng. Dominga Tolentino, 60, ng #407 Baltazar St., 10th Avenue.
Nabatid kay Samonte na walang kaukulang papeles na maipakita ang pamilya Nuqui hinggil sa pagkakatayo ng kanilang apartment o titulo man lang ng lupa kung saan ito ay daluyan ng sapa at nawalan ng right of way si Gng. Tolentino.
Sinabi pa ni Samonte na ilang beses na rin silang nagpadala ng kalatas hinggil sa usaping problema na kinakaharap ng pamilya Nuqui subalit binalewala lamang ng mga ito ang babala hanggang sa isampa ang kaso sa korte.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay pinaghahanap naman ng pulisya ang mga miyembro ng pamilya Nuqui na mabilis na nagsitakas habang nakatakdang magsampa ng kaukulang kaso si Samonte hinggil sa pagkakadisgrasya sa dalawa niyang tauhan. (Ulat ni Rose Tamayo)