Dead-on-the-spot ang suspect na si Orestes Prado Jr., 34, guwardia ng Excel Guard Security Agency na nakatalaga sa isang sangay ng Allied Bank sa Las Piñas City, nakatira sa #14 C2 Patola Ext., Brgy. CAA, ng nabanggit na lungsod matapos itong magbaril sa ulo ng caliber .45 Armscor.
Samantala, nasawi noon din ang biktima na si Silverio Jose, 42, binata, barangay tanod sa nabanggit na lugar, na nagtamo ng ilang tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan buhat pa rin sa nabanggit na kalibre ng baril.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-8:50 kamakalawa ng gabi sa bahay ng suspect.
Nabatid na nag-aaway sina Prado at ang kanyang misis na si Luzviminda, na may kaugnayan sa pera at kanilang pamilya. Sa pag-aaway ay nagwala at nagpaputok ng baril ang lalaki.
Ang insidenteng ito ay nakarating sa barangay hall ng Brgy. CAA na naging dahilan para rumesponde ang mga pulis at barangay tanod upang arestuhin ang nagwawalang si Prado.
Sa halip na sumuko, pinaputukan nito ang mga pulis at pinagbabaril si Jose na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.
Sinabi ng suspect na hindi siya pahuhuli ng buhay at habang iniimbestigahan ng mga pulis ang misis ni Prado sa labas ng kanilang bahay ay humahangos namang nagsumbong ang anak nitong lalaki na nagbaril daw sa ulo ang ama.
Wala nang buhay nang matagpuan ng mga pulis ang suspect at ang tanging na-recover na lamang sa pinangyarihan ng krimen ay ang nagkalat na balang nagmula sa caliber .45 Armscor at caliber 9mm. Kaagad na dinala ang bangkay ni Jose sa Mesina Funeral Homes at si Prado naman ay sa Dulce Funeral Homes. (Ulat ni Lordeth Bonilla)