Sa sketchy report, nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng PNP Philippine Maritime Group sa koordinasyon sa Western Police District (WPD).
Isang impormasyon ang natanggap ng PMG ukol sa pagbibiyahe ng isang cargo truck buhat sa North Harbor na naglalaman ng mga sangkap sa bomba.
Nagsagawa ng checkpoint ang pulisya sa may Marcos Road, Pier 2 kung saan nasabat ang isang trak na may kargang 10-foot cargo van.
Nang buksan ito, nadiskubre ang laman nitong 300 sako ng ammonium nitrate na isa sa sangkap sa paggawa ng pampasabog o bomba. Karaniwan din itong ginagawang pataba sa lupa.
Wala namang maipakitang dokumento ang nasakoteng driver at mga pahinante ng trak na hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad.
Nasa pangangalaga ngayon ng PMG sa Camp Crame ang mga ebidensiya. (Ulat ni Danilo Garcia)