Ayon sa ulat na tinanggap ni Supt. Ronald Estilles, hepe ng Parañaque Police naganap ang insidente dakong alas-11:40 kahapon sa isang sangay ng Union Bank na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Avenue, Brgy. Tambo ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na nag-iisa lamang ang guwardiyang nagbabantay sa nabanggit na bangko kung saan sinamantala ito ng mga suspect.
Biglang pumasok ang mga suspect na nagpanggap na mga kostumer at hindi nahalata ng sekyung si Robert Tangco na ang mga ito ay pawang armado ng cal. 45 at may dalang mga bag.
Matapos makapasok sa loob ay agad na nagdeklara ang mga ito ng holdap.
Tatlo hanggang apat na minuto lamang naisagawa ang panghoholdap at natangay mula sa dalawang teller booth ang cash na tinatayang aabot sa P700,000.
Nabatid na isa sa mga suspect ay kahawig ni Jerry Antonio, isa sa suspect na sumalakay sa isang sangay din ng Union Bank sa lungsod kamakailan na nadakip na naman ng pulisya.
Naglakad lamang umano at walang ginamit na get-away car ang mga tumakas na suspect, gayunman sinabi ng ilang testigo na malayo ang sasakyan ng mga ito na isang kulay asul na Kia Besta van na naghihintay malapit sa domestic airport.
Bagamat may alarm system ang bangko hindi ito konektado sa himpilan ng pulisya kundi konektado lamang sa iba pang sangay ng Union Bank.
Magugunitang noong linggo lamang nagprisinta ng may 11 katao ang pamunuan ng PNP na sinasabing mga bank robbers na responsable sa panghoholdap na nagaganap sa Metro Manila. Kamakalawa naman sumuko ang sinasabing lider ng bank holdap sa katauhan ni dating Army M/Sgt. Rodolfo Romero. (Ulat ni Lordeth Bonilla)