Sa inisyal na ulat ng NBI, isinagawa ang pag-atake dakong alas-2 ng hapon sa #288 San Rafael Village, San Pedro St., Balut, Tondo kung saan isang Consuelo Estrada, caretaker, ang naabutan sa loob ng dalawang palapag na bodega ngunit hindi muna pinangalanan.
Pinaghahanap naman ngayon ng mga awtoridad ang nakilalang may-ari ng naturang bahay na si William Lu, isang Chinese national na bihira naman umanong makita sa naturang lugar.
Isang impormasyon ang natanggap ng mga awtoridad kung saan nagsagawa ng surveillance na umabot ng isang buwan na nagresulta sa pagkatukoy sa naturang lugar na siyang ginagawang imbakan ng mga sangkap sa droga.
Armado ng search warrant, kasama ang mga tauhan ng PDEA, apat na kabahayan ang sinalakay ng mga ito kung saan naging negatibo sa unang tatlong bahay na pinasok.
Sa ikaapat na bahay na nagmistulang bodega nadiskubre ng mga operatiba ang may 34 na mga kahon na may nakatatak na "Bamboo Shoot Meat" na buhat sa Tsina na siyang modus-operandi ng sindikato sa pagpapasok sa naturang mga kemikal sa bansa.
Nang buksan ito, tumambad ang may 1,572 na mga bote na natatabunan ng buhangin sa ibabaw.
Sa isinagawang pagsusuri, nabatid na naglalaman ng Thionyl Hydrochloride na isang sangkap sa paggawa ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu.
Nakatakdang dalhin ngayon ang mga nakuhang ebidensya sa PDEA headquarters sa Camp Crame, Quezon City habang nagsasagawa pa ng follow-up operation para masakote ang mga nagmamantina nito. (Ulat ni Danilo Garcia)