Away sa parking lot; drayber patay

Isang family driver ang binaril at napatay ng isang guwardiya makaraang magtalo ang mga ito sa parking lot sa Makati City kahapon ng umaga.

Idineklarang dead-on- arrival sa Makati Medical Center ang biktima na nakilalang si Eddie Evangelista, 44, may-asawa at naninirahan sa 2244 Calatagan St. Brgy. Palanan, Makati City matapos na magtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib.

Agad namang nadakip ang suspect na si Alvin Babadilla, 24, binata at residente ng #634 Magallanes St. Intramuros, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jovenal Barbosa ng Homicide Section ng Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga sa parking lot ng show room ng Hyundai Motors sa Pasong Tamo Extension, ng nasabi ding lungsod.

Ipinarada ng biktima sa harap ng establisimento ang sasakyan na ikinagalit ng suspect hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Dahil dito, binunot ng suspect ang kanyang service firearm at walang sabi-sabing ipinutok sa biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments