Sa tatlong-pahinang motion for withdrawal of improvident plea of guilty ni Yunos sa RTC Branch 54, sinabi nito na inamin lamang niya ang mga kasong ibinintang sa kanya dahil sa hindi nito lubos na naiintindihan ang mga dokumentong ipinabasa sa kanya dahil sa hindi siya marunong magbasa at magsalita ng English at Tagalog.
Magugunita na si Yunos ay nag-plead ng guilty noong Hulyo 8, 2003 sa mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder noong Disyembre 30, 2000 at siya ring nagturo sa puganteng si Fathur Rohman Al-Ghozi na siyang utak sa naganap na pagpapasabog.
Nakasaad pa sa motion ni Yunos na kahit na maintindihan din nito ang mga dokumentong ipinabasa ay aaminin pa rin niya ang mga nabanggit na kaso dahil sa under pressure siya ng mga oras na iyon, gayundin na wala siyang sariling abogado.
Bukod pa rito, noong oras na inaresto siya ay binugbog din umano si Yunos sa loob ng limang araw nang nakakulong ito at pinapirma na lamang siya ng sworn statement noong May 29, 2003 bilang pag-amin sa naturang mga krimen na ginawa ng isang abogado na itinalaga ng intelligence group ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Muklis na isa siyang inosente at fall guy lamang katulad ni Esmael Abbas at ng 28 pang Muslim civilians na inaresto ng pulisya sa Taguig, Metro Manila bilang mga pangunahing suspect sa Rizal Day bombing kung kayat hiniling niya ngayon sa korte na mag-plead ng not guilty. (Ulat ni Gemma Amargo)