Misis kinasuhan ng kidnapping ni mister

Nagharap ng reklamong ‘kidnapping’ ang isang mister laban sa kanyang misis makaraang tangayin nito ang kanilang tatlong-taong gulang na anak na babae sa Quezon City.

Personal na nagtungo sa Novaliches police station si Romulo Bautista, 26, driver, ng Amparo Subd., Brgy. 170, Caloocan City, upang ireklamo ang dating asawa na si Raquel Villaflor Bautista na umano’y tumangay sa kanilang anak kamakalawa dakong alas-5:30 ng hapon.

Ayon sa salaysay ng lalaki, kasama umano ng bata ang kanyang yayang si Carmela galing sa isang Learning Center sa may Quirino Hi-way nang bigla na lamang umanong dumaan ang isang Mitsubishi Lancer na hindi naplakahan.

Agad umanong bumaba ang suspect at binuhat ang bata saka isinakay ito at mabilis na umalis.

Dahil dito, agad namang sinabi ng yaya sa kanyang amo ang nasabing insidente hinggil sa pagtangay ng ginang sa bata.

Napag-alaman na noong 1999 nang ikasal ang suspect kay Romulo ngunit matapos ang tatlong taon ay naghiwalay ang dalawa at naiwan ang bata sa pangangalaga ng kanyang ama. (Ulat ni Doris M. Franche)

Show comments