Obrero nahulog sa hukay dahil sa kalasingan

Bunga ng matinding kalasingan, isang construction worker ang nasawi matapos na mahulog sa malalim na hukay habang naglalakad kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Patay na nang idating sa Ospital ng Makati ang biktima na nakilalang si Diego Bello, 34.

Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Rio Bucalan ng Makati City Police Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa panulukan ng Pasong Tamo at Bagtikan St. Brgy. San Antonio, Village ng nabanggit ding lungsod.

Nabatid na nagkayayaan ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan matapos na makuha ang suweldo. Tumagal ang inuman hanggang alas-2 ng madaling-araw.

Minabuti ng biktima na umuwi na subalit hindi nito nakita ang malalim na hukay sa kanyang daanan.

Sa kabila nito, agad din namang nakuha ang biktima subalit hindi na rin naisalba ng mga doktor ang buhay nito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments