35-anyos pinatay ng kaibigan dahil sa droga

Isang 35-anyos na binata ang nasawi matapos itong saksakin ng kanyang kaibigan na umano’y kanyang inonse sa droga, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City. Dead-on-the-spot ang biktimang si Mario Aligan, ng #3-C Laon St., Sangandaan, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspect na si Michael ‘Flip’ Malleda, 25.

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Salvador Buenviaje ng CPD-CIU, bandang alas-3:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Laong-Laan St. cor. Mendez, ng naturang lungsod. Bago ang pangyayari, masaya pa umanong nakikipagkuwentuhan si Aligan sa isang kaibigan nang humahangos na dumating si Malleda at agad na kinompronta ang una ukol sa droga.

Nagkasagutan ang dalawa hanggang sa hindi na makapagpigil ang suspect kaya’t bigla itong bumunot ng patalim at agad na itinarak sa tiyan ng biktima na agad nitong ikinasawi. Ang biktima at suspect ay kilala umanong mga pusher sa lugar. (Ulat ni Doris M. Franche)

Show comments