Ginang niratrat,patay

Isa na namang ginang ang iniulat na pinagbabaril at napatay ng apat na armadong kalalakihan sa bayan ng Taguig, kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot pang buhay makaraang isugod sa Rizal Medical Center ang biktima na nakilalang si Josefina Cruz, 42, ng Brgy. Tambak, Hagonoy sa bayang ito sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Kaagad namang tumakas ang mga suspect na kinilalang sina Isagani Gutierrez, 37, alyas Turko; Rene Gutierrez, 36, alyas Pogi at isang alyas Sonny pawang residente ng Saint Joseph St., ng nabanggit na barangay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Taguig Police, naganap ang insidente dakong alas-3 kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng St. Joseph St., Barangay. Tambak, Hagonoy.

Napag-alamang walang sabi-sabing sinalakay at pinagbabaril ng mga suspect ang ginang sa hindi malamang dahilan.

Blangko pa rin ang pulisya sa naganap na krimen.

Matatandaan na noon lamang nakaraang buwan tatlong kababaihan ang magkakasunod ding napatay sa nabanggit na bayan.

Katulad ng sa biktimang si Cruz, walang malinaw na motibo kung bakit pinaslang ang mga ito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments