Illegal recruiter na Kano naaresto

Nahulog na sa bitag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang American national na matagal ng nanloloko sa ilang kababayan natin na nais pumunta sa ibang bansa upang mamasukan.

Iprinisinta kahapon ni NBI Dir. Reynaldo Wycoco ang suspek na si David Lee Sceurman, pansamantalang nanunuluyan sa Legaspi Towers 300, 2600 Roxas Blvd., corner Vito Cruz, Malate, Manila.

Sa imbestigasyon ng NBI-Counter Intelligence Div. (CID), nabatid na si Sceurman ay inireklamo ng ilan sa mga naging biktima nito na kinabibilangan nina Remedios Santiago at Alice Simbulan na ni-recruit nito noong Marso at Hunyo ng taong kasalukuyan.

Pinangakuan umano sila ng suspek na makapagtrabaho sa Estados Unidos bilang mga caregivers kung saan agad na hiningan sila nito ng $2,700.

Bukod pa rito ay humingi pa ng karagdagang P25,000 bawat isa sa kanila ang Kano na naging dahilan upang magduda ang mga biktima kung saan ay agad na humingi ang mga ito ng tulong sa NBI at agad na isinagawa ang entrapment operation laban sa suspek.

Nasakote ang suspek sa loob mismo ng tinutuluyan nitong hotel sa aktong tatanggapin ang marked money mula sa mga biktima.

Nang iberipika ng NBI sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA), nabatid na walang kaukulang permiso si Sceurman na mag-recruit ng mga aplikante bilang caregiver sa ibang bansa. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments