Ayon sa isang mataas na opisyal ng PNP na tumanggi magpabanggit ng pangalan, na kung may dapat mang imbestigahan sa lifestyle check ay ang isang heneral ng pulisya na kahina-hinala umano ang biglang pagyaman matapos na humawak ng mataas na posisyon.
Kinuha pa umano ng heneral na ito ang serbisyo ng isang PR firm sa halagang P1 milyon upang pabanguhin ang kanyang pangalan at ang isa naman umano ay kandidato sa posisyon para maging PNP chief.
Bukod dito, kilala rin umanong galante sa pagbo-blowout sa mga mediamen ang nasabing heneral na madalas pa umanong makita ito sa mga 5-Star hotels kasama ang mga negosyanteng Intsik.
Samantala, sinimulan nang isagawa ng PNP ang lifestyle check sa hanay ng kapulisan partikular na ang mga opisyal na may kahina-hinalang yaman.
Ayon kay PNP Directorate for Personnel Records and Management, Director Jose Lalisan na sa kasalukuyan ay ilang mga opisyal ng PNP ang mahigpit nilang isinasailalim sa masusing surveillance bilang bahagi ng paglilinis sa bakuran ng pambansang pulisya.
Gayunman, tumanggi muna si Lalisan na tukuyin ang mga ranggo at pangalan ng nasabing mga opisyal ng PNP na nagtataglay ng kaduda-dudang yaman o marangya ang pamumuhay sa kabila ng maliit na kinikita at kawalan ng mga negosyo. (Ulat ni Joy Cantos)