Biyuda nilooban na, pinatay pa

Wakwak ang leeg at wala ng buhay nang matagpuan ang isang biyuda sa loob ng kanyang tahanan matapos na looban, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Nakabulagta at duguan ang katawan ng biktimang nakilalang si Alice Crisostomo Cox, 74, sa loob ng kanyang kuwarto sa #83 New York St., Barangay Rodriguez, Quezon City.

Ayon kay SPO1 Rey Gatbunton ng Cubao Police Station, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang madiskubre ng katulong ang bangkay ng kanyang amo sa ikalawang palapag ng bahay.

Sinabi ng pulisya na nagawang makapasok ng mga suspect na pinaniniwalaang miyembro ng ‘akyat-bahay gang’ sa fire exit na nasa likurang bahagi ng tahanan ng biktima.

Matapos makuha ang pakay at mapatay ang biyuda ay mabilis na tumakas ang mga suspect na doon din dumaan.

Hinihinala ng pulisya na posibleng kakilala ng biktima ang mga salarin kung kaya’t pinatay na rin ito nang magising.

Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation para sa ikadarakip ng mga suspect. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments