Ama nag-suicde dahil sa anak

Winakasan ng isang 63-anyos na ama ang kanyang sariling buhay makaraang hindi nito makayanan ang sobrang tigas ng ulo at ang pagiging bungangera ng kanyang anak na dalaga, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Florencio Sabaybay, ng 8-C Maligaya St., Nitang Ave., Gulod, Novaliches.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Marieto Dayan ng Central Police District (CPD)-Station 4 at may hawak ng kaso, dakong alas-8:50 ng umaga nang matagpuan sa loob ng banyo ang bangkay ng nasawi na nakabigti at may nakapalupot na telephone wire sa kanyang leeg.

Ayon kay Amado, anak ng biktima, nagtaka na lamang umano siya sa matagal at tahimik na pagkulong ng kanyang ama sa banyo kung kaya’t minabuti nitong puwersahing buksan ang pinto subalit nagulat ito ng bumungad sa kanya ang nakabitin at wala nang buhay na katawan ng kanyang ama.

Natagpuan din sa loob ng banyo ang isang suicide note kung saan nakasaad dito ang lubusang paghihinanakit ng biktima sa kanyang anak na dalaga na malimit umanong sumagut-sagot sa kanya ng pabalang at pasigaw.

Napag-alaman na madalas magkasagutan ang mag-ama dahil sa katigasan umano ng ulo at madalas na pagbubunganga ng dalaga kapag sinisita ng biktima at posible umanong naging dahilan ito ng kanyang pagpapatiwakal. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments