Ama sinaksak ng mga kaaway ng anak, patay

Namatay noon din ang isang 43-anyos na lalaki matapos na pagtulungan itong saksakin ng kanyang dalawang kapitbahay na unang nakaaway ng kanyang anak, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Penilo Ang, isang Fil-Chinese at residente ng 207 D. Bonifacio St., Libis Canumay ng nabanggit na lungsod.

Arestado naman ang mga suspek na sina Arnel Yuson, 21 at pinsan nitong si Teodoro Nuynay, 34, kapwa naninirahan sa nasabing lugar.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa bahay ng biktima.

Bago umano naganap ang pamamaslang sa biktima ay unang nagkaroon ng alitan sa pagitan ng anak ng biktimang si Richard, 16-anyos at Yuson na nauwi sa suntukan.

Dahilan dito, nagharap ng reklamo ang ama ni Richard sa tanggapan ng kanilang barangay laban kay Yuson at makaraan ang paghabla ay naglakad pauwi ang mag-ama.

Bago pa man sumapit sa kanilang bahay ay iniwan sandali ni Richard ang ama sa daan upang bumili lamang sa isang tindahan ngunit nang magbalik ito ay inabutan niya ang dalawang suspek na inuundayan ng sunud-sunod na saksak ang kanyang ama na agad na binawian ng buhay. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments