Sa ipinalabas na search warrant ni QCRTC Executive Judge Natividad Dizon ang sinalakay ay ang bahay na pag-aari ni Leandro Go sa Unit 9 Matipuno St., Mariposa Drive sa nabanggit na barangay.
Ang search warrant ay nakapangalan kina Jackson Dy at Jason Go, kapwa Chinese.
Ayon kay CPD director Chief Supt. Napoleon Castro si Go ay sasampahan ng kaso in absentia kasabay ng pagpapalabas ng hold departure order laban dito.
Nakuha sa loob ng bahay nito ang 19 na kahon at isang balde ng ephedrine na pangunahing sangkap sa paggawa ng shabu.
Wala namang naabutang tao ang mga awtoridad nang pasukin ang bahay dakong ala-1 ng tanghali.
Nabatid pa na dalawang linggo nang sinusubaybayan ang nasabing lugar matapos na makatanggap ng impormasyon ang pulisya tungkol sa mga mahiwagang mga kahon na dinadala sa lugar ng ilang kalalakihan.
Sunud-sunod ang isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa mga shabu laboratory bunsod na rin ng kautusan ni Pangulong Arroyo na supilin na ang operasyon ng illegal drugs sa bansa. (Ulat ni Doris Franche)