Nakawan sa DOJ talamak

Nagiging talamak na ang nakawan sa loob ng Department of Justice (DOJ), ito ay matapos na hindi palampasing nakawan ang inookupahang kuwarto ng mga mamamahayag na nakatalaga rito at ng dalawang matataas na opisyal nito.

Niransak ang pintuan ng kuwarto ng Justice Correspondents and Reporters Association (JUCRA) at ang mga locker ng mga reporter na nakatalaga rito kung saan nakuha ang laptop, camera, recorder, red wine at t-shirt ng mga reporter na sina Bernadette Sto. Domingo ng Business World, Amor Lopez ng Tempo at Philipp Tubeza ng Philippine Daily Inquirer.

Ayon sa mga biktima, laking gulat na lamang nila nang makita kahapon na sinira ang padlock ng kanilang mga locker at nadiskubre na wala na ang mga nasabing mahahalagang gamit.

Habang gift check na nagkakahalaga ng P2,000 naman ang nawala sa isang miyembro ng Justice Reporters Organization (JURO) noong nakaraang Enero kung saan sinira rin ang locker nito.

Una rito, nawalan din ng mahahalagang gamit ang mga staff nina Justice Undersecretary Merceditas Gutierrez at Asst. Secretary Ricardo Paras.

Nabatid na ang nakawan ay nagaganap tuwing sasapit ang weekend kung kaya’t malaki ang hinala ng mga biktima na maaaring empleyado rin ng DOJ ang nagnanakaw dito. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments