4 big-time pushers ng Ecstacy, timbog ng NBI

Apat na big-time pushers ng Ecstacy, kabilang ang anak ng isang retiradong police colonel ang naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa sunud-sunod na operasyon noong nakaraang linggo sa Makati City.

Nakilala ang mga nadakip na sina Don Armando Aprid, anak ni retired Supt. Armando Aprid ng SPD; Michael Balingit, isang bank executive; Oliver Barcelona at isang nakilala lamang sa pangalang Ozaki o alyas Zax, kilalang party-goer sa mga bar sa Malate at Makati.

Sa ulat ng NBI-National Capital Region sa pamumuno ni Edmund Arugay, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa ilegal na operasyon ng talamak na bentahan ng naturang illegal drugs na mas kilala sa tawag na "E" sa Makati Commercial District.

Katuwang ang mga operatiba ng PDEA, nasakote ng mga awtoridad sina Balingit, Barcelona at Ozaki sa may Glorietta Mall sa Ayala Center, Makati City. Isa sa mga ahente ang umaktong buyer ng droga na nagresulta sa pagkaaresto sa mga ito. Samantala si Aprid naman ay nadakip sa may parking lot sa Greenbelt 3.

Nasamsam sa posesyon ng mga suspect ang may 200 tableta ng drogang Ecstacy.

Samantala, isang mag-asawa ding pusher ng nabanggit na droga ang nagawang makatakas sa mga awtoridad at ito ay nakilalang sina Charles Lu at Princess Basco Lu sa Glorietta Mall na inoperate sa may Makati.

Iniwanan ng mag-asawa ang sasakyan nilang itim na Ford Lynx na may plakang XBL 122 dahil sa matinding pagbubuhol ng trapiko sa Ayala Avenue habang sinusundan sila ng mga ahente ng NBI.

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga nabanggit na suspect.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments