Patuloy na inoobserbahan ng mga manggagamot sa Ospital ng Maynila si Go, 63, at naninirahan sa Teachers Village, Quezon City matapos na magtamo ng isang tama ng bala ng 9mm sa kanyang kaliwang pisngi.
Sinabi ni Dra. Christia Padolina, director ng Ospital ng Maynila na isinailalim sa operasyon si Go ni Dr. Rey Joson, chief ng surgery division at nakaligtas na ito sa tiyak na kamatayan. Patuloy namang hindi pa nagkakamalay ang biktima habang sinusulat ang balitang ito.
Sa ulat ng WPD Homicide Division, naganap ang insidente dakong alas-8:10 ng umaga sa kahabaan ng Vito Cruz Avenue, Malate, Manila.
Nabatid na sakay ang biktima sa kanyang itim na Mitsubishi Adventure na may plakang XDK-825 at papasok na sana sa kanyang tanggapan sa PATAFA sa loob ng Philippine Sports Complex nang maipit ito sa trapiko.
Dito na umano dumikit ang isang enduro type na motorsiklo na may plaka lamang na 777 sakay ang dalawang lalaki at tatlong beses na pinaputukan si Go na siya mismong nagmamaneho ng van.
Mabilis na tumakas ang mga suspect patungo sa direksyon ng Harrison Plaza matapos ang pamamaril.
Ayon sa isang taxi driver na nakasaksi sa insidente may taas umano na 53 ang gunman na nakaangkas sa motorsiklo, nasa edad na 39-40 at tsinito, habang nasa 57 naman ang taas ng driver na nakasuot ng bullcap.
Sinisiyasat ngayon ng pulisya ang posibleng anggulo sa pang-aambus na may kinalaman sa droga matapos na masangkot noon sa kontrobersya si Go na umanoy pagmamaniobra nito sa pagpapalaya sa drug queen na si Yu Yuk Lai.
Tinitignan din ang anggulo ng power play sa Phil. Sports Commission kung saan kontrobersiyal din ito bilang president ng PATAFA.
Mahigpit namang kinondena ng Malacañang ang naganap na ambush kay Go kasabay nang mahigpit na utos sa PNP na mabilis na lutasin at dakpin ang mga taong sangkot dito. (Ulat nina Danilo Garcia at Lilia Tolentino)